Ang tanong na maraming beses nang sinagot ngunit hindi talaga nasasagot. Marahil iba-iba kasi ang ideya ang bawat sa isa sa kanilang layunin sa buhay. Tatanungin natin ang tanong na ito sa ating sarili. Maaga sa iba, huli sa iba pero darating ang tanong na ito sa ating buhay.
Tinuturo ng Budismo na ang layunin natin sa buhay ay maging masaya. Simple lang no? Simple nga ba? Maaring magagam-agam tayo sa katwiran na ito. Pero sa likod ng simpleng pangungusap na ito mababatid natin na may mas malamin itong sinasabi. Hindi ba’t sa lahat ng ginagawa natin, ginagawa natin ito upang sumaya? – umayos ang pakiramdam, lumigaya, mawalan ng alalahanin, mawalan ng problema, mawalan ng pagdududa, atbp… Walang duda na walang sinuman sa atin ang gagawa ng mga bagay na sadyang makakapag-miserable ng ating buhay. Ang kaligayahan ay isang uri ng pamumuhay at kailangan natin ito sa ating mga buhay.
Itinuro ni Sakyamuni Buddha ang 2 kategorya ng Kaligayahan. Sila ang mga sumusunod:
2 Kategorya ng Kaligayahan
1. Di-ganap na Kaligayahan
Ito ang klase ng kaligayahan na kailangan natin upang mabuhay. Mayroon itong 3 katangian. Ito ay pansamantala, hindi kumpleto, at naglalaho pagkamatay natin. Ang ganitong klase ng kaligayahan ay naguugat sa ating mga hangarin bilang tao (ang pagnanais na makakuha o makagawa ng isang bagay), at ang hangarin ng tao ay walang katapusan – pera, kasintahan, libangan, kalusugan, aliwan, at marami pang iba. Ngunit kalaunan ang matinding galak na nadama natin sa umpisa ay unti-unting nawawala. Tulad sa law of diminishing marginal utility, lahat ng bagay ay nakakasawa kapag paulit-ulit na itong ginagawa. Lahat nga bagay ay pansamantala. Ang kabataan natin ay tatanda, ang malakas na katawan natin hihina – ito ang realidad ng buhay. Ang mga bagay na minsa’y nagdala sa atin kagalakan ay mawawala ang kinang. Kaya nga maigi na tingnan nating ang mga bagay sa maaring mangyari sa hinaharap nito, nang sa gayon kapag nanduon na tayo ay alam na natin na nagbago na ito.
2. Ganap na Kaligayahan
Ang kaligayahan na ito ay ang layunin natin sa buhay. Ang kaligayahan na ito ay hin mabubuwag at hindi tayo lilisanin. Makakamit ito sa pakikinig at pagsasabuhay ng mga turo ng Budismo. Magandang ring simulan sa Batas ng Sanhi at Epekto at ang Anim na Mabubuting Gawain ang pag-aaral ng Budismo.