Pagsusumikap

at ang Budismong Pureland sa Pilipinas


Leave a comment

Ang 8 Diwa o 8 Kamalayan

Ang mga ito ay ang iba’t-ibang lebel ng kamalayan ng tao. Ang unang 5 ay ang ating mga pandama. Ang unang 7 ang pansamantala lamang at sa ating kamatayan ang mga ito rin ay mawawala. Ang ika-8 kamalayan, ang Alaya, ay nanatili sa kabila ng ating kamatayan. Hindi lamang tayo pisikal na katawan. Ang atin tunay na kamalayan, ang Alaya, ay ang ating tunay na sarili. Narito ang paglalarawan sa bawat kamalayan o diwa.

  1. Diwang Pantingin (Gen-Shiki)
    Ang ating kakayahang makakita.
  2. Diwang Pandinig (Ni-Shiki)
    Ang ating kakayahang makarinig.
  3. Diwang Pang-amoy (Bi-Shiki)
    Ang ating kakayahang maka-amoy.
  4. Diwang Panglasa (Zes-Shiki)
    Ang ating kakayahang makalasa.
  5. Diwang Pandama (Shin-Shiki)
    Ang ating kakayahang makaramdam.
  6. Diwang Pangkaisipan (I-Shiki)
    Ang ating kakayahang mag-isip at makatanggap ng impormasyon mula sa ating mga pandama.
  7. Lubos na pagkagiliw (Mana-Shiki)
    Ito ang ating lubos na pagkagiliw sa mga bagay, tao, ideya at iba pa. Akin ito, ako ang may-ari nito, ako ang may-ari niyan. Ito ang ugat ng lahat ng kasamaan.
  8. Diwang Alaya (Araya-Shiki)
    Ito ang bahay imbakan ng ating enerhiya o binhi ng Karma (walang kulay at walang hugis ito). ito ang ating tunay na sarili. Ito ay patuloy na nagbabago dahil gumagawa tayo ng iba’t ibang interaksyon sa araw-araw. Ang diwa na ito ay hindi pumapanaw, ito ay walang hanggan, ito ay naglalakabay at lumilipat mula sa nakalipas papunta sa hinaharap at kinbukasan. Ito ang pinagmulan ng ating buhay, tulad ng isang ilog na walang tigil sa pagdaloy at paminsan-minsan ay magkakaroon ng bula – ang bulang ito ay ang ating pisikal na anyo. Ang bulang ito ay naglalaho kasabay sa pagdaloy ng ilog, tulad ng pisikal na katawan nating namamatay. Ang pisikal nating katawan ay anyo lamang para sa ating Diwang Alaya. Ang ibig sabihin ng Alaya sa Sanskrit ay “imbakan” katulad ng salitang “HimALAYA” an ang ibig sabihin ay bahay imbakan ng nyebe.

    Ito ay parang isang bangkay na hindi nakakapakinig sa turo ng Budismo. Nababalot sa dilim at kalungkutan at walang kasama. Ito ang dahilan kung kaya nakakaramdam tayo ng kalungkutan kahit na maraming tao tayong nakakasalamuha. Ito ay dahil ang ating Diwang Alaya ay palaging nagdurusang mag-isa. Kailangan turuan natin itong makinig at ito ay mangyayari sa pamamagitan ng pakikinig sa Budismo.

Advertisements


Leave a comment

Ang 3 Mundo at ang 10 Direksyon

Basahin muna ang Batas ng Sanhi at Epekto bago ito.

Nauna na nating natalakay ang Batas ng Sanhi at Epekto, at kung paanong ito ang sentro ng aral ng Budismo. Ano naman ang kaugnayan ng 3 Mundo at 10 Direksyon dito? Bago yan kilalanin muna natin ang 3 Mundo at 10 Direksyon.

Ang 3 Mundo ay:

  1. Ang Nakalipas
  2. Ang Kasalukuyan
  3. Ang Hinaharap

at ang 10 Direksyon ay:

  1. Hilaga
  2. Timog
  3. Silangan
  4. Kanluran
  5. Hilagang Silangan
  6. Timog Silangan
  7. Hilangang Kanluran
  8. Timog Kanluran
  9. Itaas
  10. Ibaba

Masasabi natin na ang ibig sabihin ng 3 Mundo ay kahit kailan at ang 10 Direksyon naman ay kahit saan. Ang Batas ng Sanhi at Epekto ay sumasakop sa 3 Mundo at 10 Direksyon. Ibig sabihin ang Batas ng Sanhi at Epekto ay tunay kahit kailan at kahit saan.

Tulad ng unang nabanggit, sa Batas ng Sanhi at Epekto ang bawat Sanhi ay may katumbas ng Epekto. At dahil sakop ng Batas ang 3 Mundo, ang Epekto ng Sanhi (gawa o aksyon) na itinanim natin sa nakalipas nating buhay ay maaring magpamalas hindi lamang sa nakalipas, kundi maging sa kasalukuyan o sa hinaharap.

Halimbawa ay ang isang batang ipinanganak na may kapansanan. Mas mahirap para sa kanya ang mamuhay dahil sa kalagayan nyang ito. Ano ang nagawa ng isang bagong silang na sanggol upang mabuhay sa ganitong kalagayan? Ang nagpapasya ng ating kapanganakan sa kasalukuyan ay ang ating nakalipas na buhay. Sa pagsuri ng estado ng ating kasalukuyang buhay, malalaman natin kung mabubuting gawain ang ating itinanim sa ating nakalipas. Ang mga gawaing ating itinatanim sa kasalukuyan naman ang magpapasya ng magiging buhay natin sa hinaharap. Ano ang itinatanim natin ngayon, mabubuting gawain o hindi?

Ang 10 Direksyon ay nagpapakita na ang Batas ng Sanhi at Epekto ay sinasakop ang lahat ng lugar. Walang sulok na hindi kasama.

Palaging gumawa ng mabuti upang maging mabuti din ang ating kinabukasan. Hindi na natin mababago ang mga kamaliang nagawa natin sa nakaraan ngunit may magagawa pa tayo sa kasalukuyan para sa kahihinatnan ng ating hinaharap.

 


1 Comment

Ang Batas ng Sanhi at Epekto 2 (KUNDISYON)

Ang kabuuang tawag sa Batas ng Sanhi at Epekto ay Ang Batas ng Sanhi, Kundisyon at Epekto (Basahin dito ang naunang lathala tungkol sa Batas ng Sanhi at Epekto). Isinasaad nito na bawat Sanhi (aksyon o gawa) – kahit ito pa man ay masama o mabuti ay magkakaroon ng Epekto (resulta) na hindi natin matatakasan, at ang epekto ng ating mga ginawa ay tayo lamang ang makakatanggap.

TAG - Sanhi at Epekto tsart

Ang KUNDISYON ay nangyayari sa pagitan ng Sanhi at Epekto. Hindi nito kayang alisin o ipawalang-bisa ang isang Epekto. Naapektuhan lang nito kung paano natin mararanasan ang Epekto. Kung kaya ang kumpletong tsart ay:

TAG - Sanhi Kundisyon at Epekto tsart

Halimbawa ay ang mga cherry blossoms, sila ay namumulaklak tuwing tag-sibol ngunit sa tag-lamig ang makikita lamang ay tila mga patay na puno. Ang puno ay may enerhiya o abilidad (SANHI) na makagawa ng mga bulaklak (EPEKTO) ngunit nakadepende ito sa klima (KUNDISYON).

Sa ating buhay ang ating mga magulang o katuwang sa buhay ay halimbawa ng mga Kundisyon na nagpapalabas ng Epekto ng mga nakalipas nating gawain. Kung ang isa ay namuhay bilang isang malupit at bayolenteng tao sa kanyang nakaraang buhay, sa kanyang susunod na buhay ay maaring isilang sya sa isang mahirap at hindi mapagmahal na pamilya. Ngunit marami ang pamilyang ganito? Bakit sya nabuhay sa partikular na pamilya o sitwasyon na iyon?

SANHI: Namuhay bilang isang malupit at bayolenteng tao sa nakaraang buhay
EPEKTO: Isinilang sa isang mahirap at hindi mapagmahal na pamilya
KUNDISYON: Magulang / pamilya

Maari ring sa mas malala pang sitwasyon sya isinilang. Tulad ng bukod sa mahirap at hindi mapagmahal na pamilya sila ay nasa isang bansang nasa ilalim ng gera.

Ang Batas ng Sanhi (,Kundisyon) at Epekto ay  tinatawag din na Batas ng Karma. HIndi ito matatakasan. Walang Kundsiyon na makakapagligtas sa atin sa ating Karma, maapektuhan lamang nito kung paano natin ito mararanasan.


Leave a comment

Isang Payak na Paglalarawan sa Budismong Jodo Shinshu

Ang Budismong Pureland ay isang sangay ng Budismong Mahayana. Ginagamit nito ang aral ng Jiri Rita na sa pagtulong ko sa aking kapwa at tinutulungan ko rin ang aking sarili. Taliwas sa mas tradisyunal na aral ng Gari-gari na nakatuon sa pagtulong sa sarili. Ito ay malawakang isinasagawa sa Japan pati sa Tsina, Korea, Taiwan at Vietnam.

Ang Budismong Pureland na aking sinusunod ay Jodo Shinshu Buddhism. Ito ay itinatag ng Hapon na monghe na si Maestro Shinran at pinagyabong ng kanyang disipulong si Rennyo.

Itinuturo nito na ang pangunahing layunin ng buhay ay ang makamit ang Ganap na Kaligayahan, na hindi tayo bibiguin kahit sa kamatayan. Ito ay makakamit sa pamamagitan ng Pangako ni Amida Buddha na nagaalis ng tabing ng nagaalinlangang isipan at nagbibigay ng kaliwanagan ng isipan o Ganap na Kaligayahan. Makakamit ang Pangako ni Amida Buddha sa pamamagitan ng 3 gawain:

  1. Pakikinig sa Budismo
  2. Chanting (ay tulad ng isang inaawit na dasal na nagbibigay galang sa mga turo)
  3. Paggawa ng 6 na Mabubuting Gawain

At sa gitna ng mga turong ito ay ang Batas ng Sanhi at Epekto na ang pinakahangarin ay “Tumigil sa paggawa ng masama at gumawa lamang ng mabuti.”

Ito ang ilan sa batayan ng Budismong Jodo Shinshu sa patuloy na pag-aaral nito mas higit pang marami and madidiskubre at mas higit na mauunawaan ang lalim ng bawat aral.

 


Kung interesadong makapagaral ng tungkol sa Budismong Jodo Shinshu mayroon kaming mga palagiang Skype Live Lectures. Bukod dito, maari ding mag-aral sa ilalim ng isang guro. Mainam ito sa mga hindi pa kumportable na makinig na may kasamang grupo. Bukod dito maiiaayon ng guro ang iyong pag-aaral base sa mga oras  na kombenyente sayo at sa bilis ng iyong pagunawa.

Maaring mag-iwan ng mensahe sa mga link sa ibaba kung interesado:


Leave a comment

Ang 3 Salamin

Isang bagay na pumapasok sa isip natin kapag narinig ang salitang salamin ay repleskyon. Isa itong bagay na nagpapakita ng repleksyon ng ating sarili. Ganito rin ang mga Salamin sa Budismo, tinutulungan tayo upang makita ang ating mga sarili. May 3 Salamin sa Budismo, Salamin ng Iba, Salamin ng Sarili at Salamin ng Dharma. Tatalakayin natin ang bawat isa.

Ang 3 Salamin ng Budismo

  1. Salamin ng Iba
    Ito ay ang ating imahe sa mata ng ibang tao. Baluktot na imahe ng ating sarili ang ipinapakita nito. Bakit? Dahil ang mga bagay na ginagawa natin ay para sang-ayunan tayo ng iba. Dahil din ang mga paghusga na ito sa atin ng ibang tao ay nakabase kung paano nito tayo napapakinabangan o kung gaano kadali sa kanila ang makisama sa atin. Kung kaya wala saysay na magdiwang o malungkot ng matagal na panahon sa opinyon ng iba sa atin, dahil ang mga opinyon na ito ay may kinikilingan.
  2. Salamin ng Sarili
    Ang salamin na ito ay ang pagsusuri ng sarili. Mainam ang pagsusuri sa sarili tulad ng nabanggit natin sa 6 na Mabubuting Gawain, ang salamin na ito ay may kinikilangan din at ito ay ang ating sarili. Dahil sa ating kayabangan hindi natin kayang makita ang ating pagkukulang or pagkakamali. Madali nating makita ang ating magagandang katangian ngunit mahirap kung ito’y mahirap tanggapin ang ating kapintasan. Dahil dito imposibleng makita ang ating tunay na sarili sa salamin na ito.

    7 Uri ng Kayabangan

    1. Yabang sa mga mas nakakababa sa atin. Mababang pagtingin sa mga may mas mababang antas sa atin (sa eskwela, trabaho o lipunan)

    2. Yabang sa mga katapat natin. Paghahanap ng bagay kung saan mas nakahihigit tayo sa mga taong kasing-antas natin

    3. Sutil na kayabangan. Kahit pa alam  na nating nagkamali tayo ay hindi pa rin natin ito tatangapin. Sa Budismo, tayo ay hinihimok na tanggapin ang ating mga pagkakamali sa lalong madaling panahon. “Huwag magyabang na hindi tayo nagkakamali, sa halip ipagmalaki na kaya nating ituwid ng agaran ang ating mga pagkakamali.” Bawat pagkakamali ay oportunidad upang makagawa ng mas mabuti.

    4. Yabang sa mga nakakataas sa atin. Paghahanap ng mga bagay kung saan mas nakalalamang tayo sa mga taong may mas mataas na antas sa atin.

    5. Ang yabang sa pagiisip na alam niya ang lahat ng katotohanan ay pwede ring tawaging Dakilang Kayabangan. (Kasama rin dito ang paniniwalang nakamit na ng isa ang “enlightenment.”) Halimbawa ay kung iniisip mo na isa ka nang mulat na nilalang, may kakaiba kang karunungan, isa kang ispiritwal na gabay, o ikaw ay buddha. Maari tayong linlangin at gawing makasarili ng kayabangan.

    6. Kayabangan sa pagpapakumbaba. Minsan ay nakakaramdam tayo ng yabang kapag tayo ay mapagkumbaba. Tinatanggap natin ang ating mga pagkakamali at nakakaramdam tayo ng pagmamalaki dahil kaya nating gawin ito. Kahit ang ating pagiging mapagkumbaba ay may bahid din ng kayabangan.

    7. Kayabangan sa mga maling gawain. Halimbawa nito ay ang isang magnanakaw na ipinagyayabang ang kanyang bilis o ang isang gumawa ng karumaldumal na krimen at ipinagmamalaki ang kanyang kalupitan.

  3. Salamin ng Dharma
    Ito ang ating imahe ayon kay Buddha o sa mga turo ni Buddha. Ang pagaaral ng Budismo ay ang pagtuklas ng ating tunay na sarili. Walang baluktot na imahe itong ipinapakita iyon lamang syang ganap. Ang Budismo ay tumitingin higit pa sa ating panlabas na anyo at inilalagay ang ating mga gawa sa 3 kategorya. Binibigyang diin ng Budismo ang utak dahil ito ang ugat ng lahat. Ang kayabangan ang pinakamahirap ng balakid sa ating paghahanap ng ating tunay na sarili.


Leave a comment

Ano ang Budismo?

Ang Budismo ay isang Relihiyon at Pilosopiya na itinuro ni Sakyamuni Buddha o Gautama Buddha noong 6th siglo B.C. (mga 2,600 na taon na ang nakalilipas). Iniwanan n’ya tayo ng 7,000 na sutra.

Ngayon may 2 pangunahing paaralan ng Budismo, and Theravada at ang Mahayana. Sa kabila ng pagkakaiba, bahagi pa rin ng 2 paaralan na ito ang karaniwan na elemento ng tradition, saloobin at buod ng aral ng Budismo. Katulad ng isang punong may malalim na ugat at tinubuan ng maraming sanga.

Ang Theravada, ang pinakamatandang paaralan ng Budismo, ay malawak na sinasagawa sa mga Timog Asyanong bansa ng Sri Lanka, Cambodia, Laos, Burma, at Thailand. Ito na siguro ang pinakatradisyunal ng paaralan ng Budismo dahil ang sinusunod dito ay ang pinakamaagang turo ni Buddha. Halos hindi nito binibigyang pansin ang mga konsepto ng bathala. Ang layunin ng mga turo nito ay ang maabot ang Nirvana o isang estado ng lubos na kaligayahan na magpapalaya sa walang katapusang pagsilang dito sa mundo.

Ang Mahayana ay nagsanga sa maraming uri ng paaralan sa mga basang Japan, Korea, China, at Tibet. Ilan sa mga uri ng paaralan ng Mahayana ay ang Zen, Pureland at Tibetan. May mga paaralan ng Mahayana na kumikilala sa konsepto ng bathala.


Leave a comment

Ano ang Layunin Natin sa Buhay? (at ang 2 kategorya ng Kaligayahan)

Ang tanong na maraming beses nang sinagot ngunit hindi talaga nasasagot. Marahil iba-iba kasi ang ideya ang bawat sa isa sa kanilang layunin sa buhay. Tatanungin natin ang tanong na ito sa ating sarili. Maaga sa iba, huli sa iba pero darating ang tanong na ito sa ating buhay.

Tinuturo ng Budismo na ang layunin natin sa buhay ay maging masaya. Simple lang no? Simple nga ba? Maaring magagam-agam tayo sa katwiran na ito. Pero sa likod ng simpleng pangungusap na ito mababatid natin na may mas malamin itong sinasabi. Hindi ba’t sa lahat ng ginagawa natin, ginagawa natin ito upang sumaya? – umayos ang pakiramdam, lumigaya, mawalan ng alalahanin, mawalan ng problema, mawalan ng pagdududa, atbp… Walang duda na walang sinuman sa atin ang gagawa ng mga bagay na sadyang makakapag-miserable ng ating buhay. Ang kaligayahan ay isang uri ng pamumuhay at kailangan natin ito sa ating mga buhay.

Itinuro ni Sakyamuni Buddha ang 2 kategorya ng Kaligayahan. Sila ang mga sumusunod:

2 Kategorya ng Kaligayahan

1. Di-ganap na Kaligayahan

Ito ang klase ng kaligayahan na kailangan natin upang mabuhay. Mayroon itong 3 katangian. Ito ay pansamantala, hindi kumpleto, at naglalaho pagkamatay natin. Ang ganitong klase ng kaligayahan ay naguugat sa ating mga hangarin bilang tao (ang pagnanais na makakuha o makagawa ng isang bagay), at ang hangarin ng tao ay walang katapusan – pera, kasintahan, libangan, kalusugan, aliwan, at marami pang iba. Ngunit kalaunan ang matinding galak na nadama natin sa umpisa ay unti-unting nawawala. Tulad sa law of diminishing marginal utility, lahat ng bagay ay nakakasawa kapag paulit-ulit na itong ginagawa. Lahat nga bagay ay pansamantala. Ang kabataan natin ay tatanda, ang malakas na katawan natin hihina – ito ang realidad ng buhay. Ang mga bagay na minsa’y nagdala sa atin kagalakan ay mawawala ang kinang. Kaya nga maigi na tingnan nating ang mga bagay sa maaring mangyari sa hinaharap nito, nang sa gayon kapag nanduon na tayo ay alam na natin na nagbago na ito.

2. Ganap na Kaligayahan

Ang kaligayahan na ito ay ang layunin natin sa buhay. Ang kaligayahan na ito ay hin mabubuwag at hindi tayo lilisanin. Makakamit ito sa pakikinig at pagsasabuhay ng mga turo ng Budismo. Magandang ring simulan sa Batas ng Sanhi at Epekto at ang Anim na Mabubuting Gawain ang pag-aaral ng Budismo.